TYPE YOUR QUESTIONS OR KEYWORDS HERE

Sunday, September 4, 2011

Kailan Ka Uuwi?

This is an original post from PALIPASAN. 







Kailan ka uuwi? Katanungang payak subalit may hatid na kurot sa puso ng bawa't OFW kapag ang mahal sa buhay ang naghahanap ng katugunan.

Ilang beses ko na bang narinig ang tanong na ito? 

Kailan ka uuwi Daddy? Inosenteng tanong ng aking bunso nung unang taon na ako'y mag-abroad. At makalipas ang 20 taon ko sa bansang banyaga, ito pa rin ang katanungang namumutawi sa kanyang mga labi, sa pangungulila sa isang ama na halos isang buwan lang sa bawa’t taon akong nakakasama at lagi kong sinasabi "Huwag kang mag-alala, uuwi si Daddy".

Kailan ka uuwi? Tanong ng aking asawa na pilit ikinukubli ang impit na pagtangis ng aming damdamin na pinaghiwalay ng malawak na karagatan, at sa kanyang mga panaghoy aking ibinubulong "Huwag kang mag-alala uuwi ako".

Kailan ka uuwi, tanong ng aking nagiisang kapatid, mga pamangkin at mga kaibigang nananabik na ako'y makaharap matapos ang matagal na di pagkikita. "Darating ako dyan, basta antayin ninyo ako, darating ako".

Walang katiyakan, pero puno ng pag-asa. 

Kailan nga ba ako uuwi? 20 taon sa abroad, matagumpay na nakapagpatapos ng dalawang anak sa kolehiyo, may maayos na tahanan at kaunting impok, subalit tila  ang kasagutan kung kailan ako uuwi ay napakailap at walang katiyakan. 

Siguro pinalad lang ako na nagkaruon ng maayos na trabaho at magandang mga benepisyo kaya’t sinasamantala ko ang pagkakataon at umaasang muling makapiling ko ang aking pamilya sa bansang banyaga kahit pansamantala.

Subalit, ang ating mga kapatid kong OFW na kasalukuyang naiipit sa kaguluhan sa bansang Libya, Syria, Iraq at Afghanistan, kailan kayo makakauwi. Lubos ko kayong nauunawaan sa inyong pag-aatubili na umuwi sa ating Inang Bayan kung saan mas lalong walang katiyakan  kung may hanapbuhay pa bang naghihintay sa inyong pagbabalikbayan.  Ang akin laging dalangin nawa’y patnubayan kayo ni Bathala at gabayan kayo sa inyong kalusugan’t  kaligtasan.

Sa aking mga kababayan at sampu ng kanyang pamilya na pinagpalang manirahan sa Amerika, Canada, Europa, at mga bansang mauunlad, kailan kayo uuwi upang bisitahin man lang ang bansang ating pinagmulan? Nawa’y habang tinatamasa ang mga biyayang pinagkaloob sa inyo ng Maykapal, at huwag sana ninyong  limutin ang mayamang kultura na  inyong kinamulatan at ipagmalaki ang lahing Pilipino kung saan nagmula ang di mabilang ng Bayani ng ating Lahing Kayumanggi.

Tulad ng aking panulat, anumang haba ng sanaysay ay hahantong din sa wakas, tulad ng isang awiti’y may simula at katapusan. At tulad nating mga OFW at Expats, sa kabila ng mausok, buhol buhol na traffic sa EDSA, sobrang init o maulan na panahon at nakakasukang kalakaran sa politika, uuwi’t uuwi tayo upang muling makasama ang ating mahal na pamilya at madama ang tunay na kulturang Pilipino sa tamang panahon. 

Kung tutuusin, may 7,107 na dahilan upang ikaw ay umuwi kaibigan at nawa’y sa iyong pagbabalikbayan, bitbit ang iyong maleta na puno ng bagong kaalaman karanasan, kwento ng buhay at pagmamalaskit sa kapwa Pilipino, sa iyong pag-uwi nawa’y ikaw ang  simula ng pagbabago.

Ikaw, kailan ka uuwi?





©2011 Pinoy Expats/OFW Blog Awards

3 comments:

mikexplorer on September 10, 2011 at 2:48 AM said...

nice ang mga post dito

Joy on September 18, 2011 at 2:31 AM said...

naalala kong bigla ang Dad ko nung college ako para mapatapos nya kami magkakapatid sa pag aaral, sinuong nya ang mangibang bansa, nadisgrasya sya doon na sadyang kinurot ng husto ang puso ko, nagsusumamo akong umuwi na lang sya at magtatrabaho na lang ako pero hindi sya natinag hanggang sa makatapos ako, buong buhay kong tatanawin ang ginawang pagsasakripisyo ng aking ama sa ibang bayan upang matupad ang aking mga pangarap. sa mga OFW natin. Saludo ako sa inyo!

Rayjan on September 21, 2011 at 3:29 AM said...

My father is also an OFW and next month I will also be one of the many Filipino working outside the country for the sake of giving a better life for my family. It is really sad but to assurance of better life matters to me.

 

Pinoy Expats/OFW Blog Awards, Inc. (PEBA) All Rights Reserved. The Pinoy Expats/OFW Blog Awards, Inc. Blog re-design by Ion Gonzaga • PEBA FACEBOOK PAGE HERE PEBA FB PAGE